Salapi At Antique

Sumakay kami sa owner-type jeep ng kabarkada ko at lumibot sa bayan. Salat kami sa salapi at sa paligid ay nag-uumapaw ng kayamanan sa mga tindahan.

Dala-dala ko ang isang maliit na kahon ng mga lobo. Maraming kulay. Mapulbos. Ito ang ginagamit ng mga payaso sa pagpapatawa sa kaarawan ng mga batang may-kaya.

Sinabi ko kay Gregor, na siyang drayber namin, at kay Bulik na suotin ang tatlong magkakaibang kulay ng lobo sa kaliwang mga daliri namin. Ito ang magsisilbing proteksyon habang kikikilan namin ang mga tindahan sa kahabaan ng palengke.

Si Bulik, ang babae ng aming grupo, ang nanguna sa mga operasyon. Kasunod niya lang si Gregor sa kabilang kalsada.

Namalayan kong limang tindahan na ang agwat ko sa kanilang dalawa dahil sa kabila ng ako ang nagpasimuno ng paghuthot ng pera sa mga tao, ako ang unang naawa sa kanila. Nauwi sa pagtingin-tingin na lang ng mga antique at produktong-katutubo ang lakad ko.

Nadatnan ako ni Bulik sa isang tindahan ng made to order ukay-ukay. Habang kausap ko ang tindera, tumambad siya sa lagusan at nangotong. Sinabi kong teritoryo ko na ‘to. Tinitigan niya akong may talim sa mga mata sabay turo sa akin ng kanyang mga daliring may suot na lobo.

Nang wala na si Bulik, humingi ako ng paumanhin sa ale at namalayan kong suot ko pa pala ang mga lobo. Saka ko lang ito hinubad at itinago sa bulsa ng isang damit doon.

“May espadrille ba kayo dito?” sabi ko sa ale. Hindi na siya nagsalita, naghalungkat na lang. Narinig kong kinakausap niya ang kanyang sarili tila-baga may nakita siyang pares.

May pinakita siyang pares ng espadrille na kulay itim ngunit puti ang gusto ko. Pumasok siya sa isang kuwarto na mistulang gawaan ng sapatos dahil sa maliliit na makina at pira-piraso ng mga balat, sintas, at takong. Ito lang ang nakita ko dahil sa labas niya ako pinaghintay.

Nagtingin-tingin muna ako sa paligid. Alerto rin akong baka si Gregor naman ang pumasok at manggulo. Wala naman talaga akong ibang pakay sa tindahan kundi ang sapatos. Sa sobrang pagkainip, pumasok ako sa kinaroroonan ng ale at nakita kong gumagawa siya ng puting espadrille. Natuwa akong makita kung paano ito ginagawa ngunit sa bandang huli ako nadismaya.

Nilagyan niya ito ng takong at pininturahan ng makintab na puting barnis. Para akong sasayaw ng Cha-Cha kapag suot ko iyon. Dali-dali akong lumabas at kinuha sa bulsa ng damit ang tatlong lobong tinago ko roon. Kasunod ko ang aleng pinipilit akong bayaran ang ginawa niyang sapatos.

Imbes na bayaran ko siya, nilimas ko ang laman ng kaha de yero na nasa ilalim ng inuupuan niya sa counter.

Natapos ang hapon. Nasa loob na kami ng jeep, pauwi sa bulubundukin. Maraming nakulimbat ang aming grupo. Marami ring nasawi ang iniwan namin sa bayan.

Ngunit sawi nga ba sila?

Sa kabila ng lahat, masasabi kong hindi pa rin salapi ang kasiyahan ng tao.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *