Punitin Ang Sedula

Nag-file ako ng tax kanina.

Pwede naman palang walang sedula, nag-aksaya pa ako ng P238.68.

Pero ayos lang, sa unang pagkakataon, nakita ko rin ang loob ng Quezon City Hall.

Malaking lugar pala.. parang parke. Meron pang dalawang lumang auto na display na lang. At sa main building, may mga nakalilok sa pader na hindi ko na tinignan kung ano. Nagmamadali ako.

Dahil sa buong linggong ito, ewan ko ba kung bakit kapag tumutunog na ang bell clock ng alas-sais, pinapatay ko at natutulog ulit ako para gumising ng alas-otso. Ganun ang nangyayari mula noong Lunes.

Buti na lang at naipadala ko pa sa labandera ang mga marurumi kong damit, kaya kahit papaano, may napala naman yung umaga ko.

Sa City Hall, mayroong BIR reps. Ngunit hindi pala sila tumatanggap ng papeles ng taga ibang lugar. Oo, unang pagkakataon kong mag-file ng tax. Minsan kelangan mo ring punasan ang sarili mong pwet.

Eto ang mga nalaman ko:

  1. Dalawang lugar ang pwede mong pag file-an ng tax. Isa sa nakalagay sa “registered address” mo at isa sa address ng kumpanya na pinagtrabahuhan mo.
  2. Hindi mahalaga ang Community Service Tax (sedula) Number kahit may field to sa papeles ng tax (pero wag ko daw sila isumbong).
  3. Tig-tatlong kopya ng mga papeles ang kailangan mong i-submit.
  4. Hindi mo kailangang paabutin ng April 14 ang pag-asikaso mo ng pag-file kung Arpil 15 ang deadline (lalo na kung may 4 na buwan ka na pwedeng asikasuhin ang mga to).
  5. Form 1700 ang kailangan mo kung regular na empleyado ka lang.. ngunit kung rumaraket ka kagaya ng iba, form 1701 ang kailangan mo.

Ang lawak talaga ng Quezon City hall. Pwede kang mag-sight seeing at kumuha ng ilang litrato. Madami ring gwardiya.. mga 700 ata.

Matindi ang sikat ng araw. Lahat ng tao kumakampay para malamigan ng konti. Buti na lang at swabe ang byahe ko mula Quezon City patungong Makati Ave.

Isang mabait na ale na representative ng BIR ang sumalubong sa akin at sya ang nagturo na maling form pala ang ginamit ko. Buti na lang walang hassle-hassle at sya na ang nag-fill in the blanks. Kinopya ko na lang ang sinulat nya at tapos na.

Meron akong P100.03 na tax refund.

Mam, kelan ko ba to makukuha?

A.. next year pa yan. Ano bang pangalan mo?

Regidor po.

Anong apelido?

Sanchez po.

Sabay sibat ko, dahil nawirduhan ako kay mam na bakit nya pa kailangang tanungin ang buo kong pangalan.

Siguro kamukha ko yung batang pinaampon nya.


Originally published in happyobituary.blogspot.com.


Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *