Si Teddy

Mayroon akong laruang oso dati noong bata pa ako. Ang pangalan niya ay Teddy. Mayroon siyang mga matang mala kayumangging holen. Ang kanyang balahibo ay mala tibong kumikislap na parang ginto sa sinag ng araw. Para na rin siyang nanganak dahil may tahi siya nang pahalang sa tiyan. Hindi man siya akmang nakangiti, isang mainam na kaibigan si Teddy.

Naaalala ko ang araw na ipinamana ko siya sa nakababata kong kapatid na si Benson. Para sa limang taong gulang, nagustuhan niya kaagad ito kahit makati sa braso. Isang umaga, hindi muna kami nag-almusal. Dumiretso kaming dalawa sa bakuran at naglakad-lakad nang walang punto. Si Benson, hindi ko alam kung ano ang kanyang ginagawa noong mga oras na iyon. Naglalakad siya nang nakapikit; ang mukha nakaharap sa sikat ng araw at tila nagbibilang. Dumating siya sa may lupa na mabato at nadapa sabay bangon nang tumatawa lang. Si Teddy, tumilapon sa tae ng pusa. Nilabhan ni Nanay ang laruang oso. Hindi na siya amoy tae kundi amoy kulob. Simula noong araw na iyon, hindi na namin nakita si Teddy.

From Happy Obituary 2005