Sumakay ako sa taxi kaninang umaga papasok sa trabaho, medyo bata pa yung drayber; siguro mga bente-singko.
Nagsimula akong kumuha ng litrato sa kanto ng B. Serrano at 20th ave.
Bandang Medical City, tinanong niya ako kung propesyon ko daw ba ang pagkuha, sabi ko hobby lang.
Medyo edukado ang tono ng boses niya.
Sabi niya, sa pag-da-drayb niya raw, marami na siyang nakikitang magandang kuhanan.
Kagaya raw ng:
- isang mataas na bakod
- may aso sa ibabaw
- may poste sa tabi
- kulay orange ang ulap
Sabi ko, sa pagda-drayb mo sigurado marami kang aksidente na nadadaanan, yun magandang kuhanan.
Sabi niya, hindi na raw siguro niya kukuhanan yun kung sakali.
Nagtanong siya kung mga magkano ang gamit kong Canon 550D, sabi ko nasa bandang kuwarenta.
Tinanong niya kung may kasama nang lente, sabi ko yung kit lens lang. Iba-iba rin ang gamit ng mga lente.
Binanggit niya na sa may UP daw, may mga estudyanteng nakadapa sa damo, kumukuha raw ng litrato ng bugs. Sabi ko macro yun.
Sabi ko, minsan maganda rin yung maliit lang na kasya sa bulsa para madaling dalhin. Kahit saan kapag may nakita kang magandang kuhanan, madaling kuhanan.
Isa pang nilarawan niya:
- matandang lalaki na nasa tumba-tumba
- sa likod ay isang lumang bahay
Sa isang larawan lang daw, maiku-kwento mo na ang isang maliit na istorya ng Pilipinas.
Tinanong ko siya kung kumukuha siya ng litrato.
Sabi niya hindi, dahil mahal ang camera.
Sabi ko, kumuha siya dahil may mga ideya siya.
Bunot ng isangdaan at limang piso, sabay baba.
Originally published in facebook.com/briansahagun
Leave a Reply