Ganito kasi ‘yun. Kumayod ako ng halos limang araw na night shift para lang matapos ang Yearbook namin sa preschool. Mas malala pa sa trabaho dahil dito, walang oras-oras. Ni hindi ko na nasasara yung PC.
Nilagare ko kahapon at inakala kong matatapos ko ng alas-diyes ng gabi. Dapat kasi makauwi ako sa Cavite dahil bertdey ng nanay ko. Pero Alas-onse y media ko na natapos, kaya taranta ako sa paghahandang umalis.
Nag-taxi ako mula Cubao hanggang Baclaran. Nito lang muli akong bumiyahe pauwi sa Cavite ng dis-oras ng hatinggabi. Noong huli ay mga tatlo o apat na taon na rin ang nakakaraan. Alcoholic pa ako noon, kasa-kasama si Buraotski.
Mabuti na lang at Biyernes; marami pang tao. Fast-forward. Nakarating naman ako sa bahay namin. Pagpasok na pagpasok ko, naamoy ko ang lola ko. ‘Yun pala ay may kumpol ng sampaguita sa mesa.
Mahilig din akong magbukas ng mga bagay at gamit na may pinto o bintana o kahit anong bukasan kahit na walang punto. Basta bubuksan ko lang. At nang buksan ko ang kahon sa dingding, nakita ko ang Omega painkiller na hilig niyang gamitin.
Wala lang. Di naman minumulto ang bahay na ‘to, at di ako natakot kahit saglit lang. Wirdo lang.
Paano kaya ‘yun, no? Paano ako makakapag-trabaho kung natatakot ako. Syempre, tatakbo na lang ako sa kwarto at magtatalukbong sa kumot. Dapat isipin din ng multo na wala ng makakapag-trabaho kung lagi na lang silang mananakot.
Pero wala namang nananakot. May narinig lang akong tunog na parang nagbukas ng pinto sa taas ng bahay, kaya sinilip ko at tinawag ko ang nanay ko. Sarado naman ang pinto niya.
Sige, raket na ulit. Dahil sa pagtutok sa Yearbook, naka-sala ako ng isang deadline.
Nalimutan ko palang sabihin na naka jackpot ako. MP3 ni Lizz Wright. Chillax. Relak.
Originally published in White Sugar, 1/4 (happyobituary.multiply.com).
Leave a Reply