Pag-iisa

Malungkot ang mga hapon na tirik ang araw sa itaas at nag-iisa ka sa paligid. Wala kang makakalaro. Lahat sila ay pinatulog ng kanilang tita o tito na masungit. Ako naman, heto, nakatitig sa puno ng Macopa hawak ang laruang eroplano.

Naalala ko na dito rin sa bintanang ito ako nakadungaw noong pinapanood ko ang aking mga pinsan na naglalaro sa ulan. Pinapayagan kasi sila ng tita ko na magtampisaw. Ang nanay ko naman, nasa likuran lang. Pinagalitan niya ako nang magpaalam ako sa kanya na susugod rin ako. Wala na akong nagawa kundi tingnan ang karera ng mga tulo ng tubig sa salamin ng bintana namin.

From Happy Obituary 2005